Saturday, March 7, 2015

TRAFFIC SA CASTILLEJOS AT SUBIC, ZAMBALES

NAGKAKANDABUHOL-BUHOL ang daloy ng trapiko sa kabayanan ng Castillejos, Zambales kung saan ipinanganak si dating Pangulong Ramon Magsaysay.


Ito Ang Totoo: hindi kalakihan ang bayan ng Castillejos kahit may pag-unlad din naman itong tinamo sa nakalipas na ilang taon at katunayan, wala pang 50,000 ang populasyon ng naturang bayan.


Kaya ang madalas na magkabuhol-buhol ang daloy ng trapiko sa kabayanan, maaaring ang dahilan ay kakulangan, kung hindi kawalan, ng plano.


Kapuna-puna nga na kung kailan karamihan ng tao sa palengke at pasukan at uwian mula sa mga eskwelahan ay saka nagpapatrabaho sa daan, partikular ang paulit-ulit na pagguhit ng “pedestrian lanes” sa highway na sa maikling panahon lang ay burado na naman.


Hindi po ba pwede, Mayor Jose Angelo Dominguez, na sa gabi na lamang ang mga patrabaho sa daan? Kahit naman po hindi makita ng mamamayan habang ginagawa ang ang trabaho, alam naman nila na kayo ang may pagawa nito at sana hindi makalimutan sa darating na halalan.


Pero banggitin na rin natin na may “by-pass road” naman na plantsado bagama’t may ilan nga lang bahagi na dapat ayusin, lalo na ‘yung mga kurbadang peligroso sa hindi kabisado ito. Kayang-kaya ni Mayor Dominguez iyan, ‘di po ba?


Sa katabing bayan ng Subic, Zambales naman, nagkakabuhol-buhol din ang daloy ng trapiko at ang “by-pass road” ay hindi pa maayos, lalo na sa gabi, hindi kapayo-payong ito ay daanan.


Malaki na ang ini-unlad ng bayan ng Subic na ikinalilito ng marami sa Subic Freeport at SBMA (Subic Bay Metropolitan Authority).


Ito Ang Totoo: pwede na nga ito maging lungsod, tulad ng Olongapo na dating barrio lamang ng bayan ng Subic noon.


Bukod sa hindi konbinyente, nakababagal din sa daloy ng komersiyo ang pagkabuhol-buhol ng daloy ng trapiko kaya dahil sa malamang gusto pa ni Mayor Jay Khonghun lalong umunlad ang kanyang bayan, naniniwala tayong bibigyan niya ng agarang atensyon ang mga lansangan at plano sa trapiko sa Subic.


Makaaasa rin ng tulong si Mayor Jay sa kanyang amang si 1st District Cong. Jeffery Khonghun na kanya namang katuwang sa mga proyekto at programa sa kanyang bayan. Ito Ang Totoo! ITO ANG TOTOO/VIC VIZCOCHO, JR.


.. Continue: Remate.ph (source)



TRAFFIC SA CASTILLEJOS AT SUBIC, ZAMBALES


No comments:

Post a Comment